Kinahapunan, pagkatapos ng nangyari ay pumunta ako sa restaurant at nag-resign na. Hindi pa ako kaagad pinayagan ni Sir Seth, kasi kukulangin sila nang waitress, pero nagpumilit pa rin ako kasi ayaw ko nang mangyari ulit ang nangyari sa akin. Hindi ko itataya ang buhay ng bata sa sinapupunan ko. Dapat alagaan ko siya habang dala-dala ko pa siya.
Ayaw ko na baka sobra pa ang abutin ko kay Angelo. Titiisin ko ang pansasamantala na ginagawa niya sa akin, pero hindi ang maltratuhin ako lalong-lalo na at may bata akong dinadala. Aalis din ako sa impyernong lugar na ito. Mag-iipon ako. Hindi ko alam kung paano pero 'yon ang gagawin ko. Kapag nakapanganak na ako ay aalis ako rito kasama ang anak ko. May mga naipon na rin naman ako ng kaonti, tapos may makukuha pa akong last pay. Malaki-laki narin 'yon.
"Hija, kumain ka na muna. Tama 'yan” sigaw ni Manang Minda sa akin. Ngumiti ako sa kanya at pinagpag ang damit ko.
"Opo, Manang. ‘Ayan na po ako!” balik na sigaw ko. Naglalaba kasi ako nang mga maruruming kurtina sa likod ng bahay. Ayaw pa sana akong payagan ni Manang kaya lang nagpumilit ako, maninipis lang naman ito at ‘saka may washing machine naman, kaya hindi ako mahihirapan o mabibigatan. Hindi kasi talaga ako sanay na walang ginagawa.
"O, ayan na! May gatas akong tinimpla para sa ‘yo, anak. Pagkatapos ng ginagawa mo tama na muna ha?” sabi niya habang nilalagyan ng kanin ang plato ko.
"Kapag tapos na po, at ‘saka Manang okay lang naman po sa akin. Wala naman kasi akong ginagawa rito ‘eh, nag-iingat naman po ako” katwiran ko. Umupo si manang sa bakanteng upuan sa harapan ko at kumain narin.
"Ikaw talaga, basta mag-iingat ka. 'Wag ang mga masyadong mabibigat, baka makasama sa ‘yo at sa bata." Ngumiti lang ako sa kanya at tumango-tango.
Buong araw ay tinulungan ko si Manang sa mga gawaing bahay at hinahayaan niya naman ako sa pagtulong sa kanya. Kinahapunan naman ay nag-merienda kami ni Manang. Gumawa ako ng turon at milk shake. Ewan ko ba, gustong-gusto ko talaga ang lasa ng gatas, kaya kahit anong pagkain na may gatas ay kinakain ko tapos busog na busog ako pagkatapos kong kumain.
"Hija, tapos naman na tayong kumain, aba't magpahinga ka na d'yan. Matulog ka muna” sabi ni Manang. Nagpaalam ako para pumunta sa sala at nanood ng T.V.. Wala pang isang oras ay may narinig akong nag-doorbell. Sino naman kaya 'yon?
"Manang! Ako na po ang magbubukas!" sigaw ko. Hindi na si Manang sumagot kaya naglakad na ako papunta sa gate. Binuksan ko ito at bumungad sa akin ang isang babae na nakasuot ng shades. Mataas ito at ang kinis ng balat, anak mayaman.
"Hello po! Good afternoon. Sino po ang hinahanap niyo?" magalang na tanong ko sa kanya pero hindi siya sumagot sa akin, parang nagulat pa siya sa akin nang lumabas ako kanina.
Hindi ko makilala ang mukha niya kasi naka-shades siya. "Ma'am?" tawag ko sa kanya. Unti-unti niyang hinubad ang shades niya at nanlaki ang mga mata ko nang makilala ang babae sa harapan ko. Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko.
Siya si Sophia!
"D-dito ka nakatira?"pagtatanong niya. Napatango ako sa kanya.
"P-pasok po k-kayo” aya ko sa kanya.
Pumasok naman siya tapos nagpalinga-linga siya sa paligid, parang may hinahanap. Nang makapasok na kami sa loob ay pinaupo ko muna siya sa sofa sa may sala.
"Gusto niyo po ng juice?" Umiling lang ito sa akin at tipid na ngumiti.
“'Yung nangyari nga pala sa restaurant, sorry ha? Hindi ko naman talaga sinasadya na ganoon ang mangyari, ‘eh. Buti nalang at walang nangyari sa inyo ng b-baby mo” sabi niya. Ngumiti ako sa kanya, mukhang mabait naman siya. Siguro may problema lang siya nang araw na 'yon.
"Wala 'yon, kalimutan mo na ang nangyari. Pero teka, paano mo nalaman na dito ako nakatira?” tanong ko. Napalunok siya.
"Pumunta ako sa restaurant kanina, tapos sinabihan ako ni Elaine na dito ka raw nakatira." Napangiti ako, nakausap niya pala ang matalik kong kaibigan na si Elaine.
"Anak, may bisita ka ba?" Pareho kaming napalingon ni Sophia kay Manang Minda.
"Sophia?” gulat na sabi ni Manang, kumunot ang noo ko. Magkakilala pala sila?
Tumayo si Sophia tapos lumapit kay Manang at humalik sa pisnge nito. "Yaya! Kumusta po?" Ngumiti si Manang sa kanya at iginaya siyang maupo ulit.
"Okay lang naman, hija. Hinahanap mo ba si Angelo?” pagtatanong ni Manang, nakaupo lang ako at nakikinig sa kanilang dalawa. Parang kilalang-kilala talaga siya ni Manang, siguro napakilala siya ni Angelo kay Manang noon?
"H-hindi po, si Mikaela po ang sadya ko. Gusto ko lang po humingi ng tawad sa nangyari." Napatingin si Manang sa akin, ngumiti lang ako sa kanya. "Hindi mo naman daw sinasadya kaya okay lang sa kanya, naikwento niya sa akin ang nangyari."
Nahihiyang ngumiti sa akin si Sophia. Isa rin kaya siya sa mga babaeng kinakama ni Angelo? Mukhang hindi naman yata, kasi ang bait-bait niya at mukhang respetado talaga siya, tapos sobrang nagalit pa sa akin si Angelo nang sinisi ko siya.
"Matanong ko lang po, anak niyo po ba si Mikaela, Manang?" Nanlaki ang mga mata ko, mukha ba kaming mag-ina ni Manang? Mahina akong tumawa at ganoon din si Manang.
"Hindi, hija. Kung pwede lang sana ‘eh. Hindi ba nasabi sa 'yo ni Angelo kung sino si Mikaela?" Umiling ng ilang beses si Sophia.
"Sino po ba siya?" Bigla akong kinabahan. Hindi naman galit ang boses niya. Sa katunayan nga ‘eh, parang kinakabahan pa siya sa isasagot ni Manang sa kanya. Bigla akong nahiya, baka siya ang kasintahan ni Angelo? Paano kung maghiwalay sila nang dahil sa akin?
Nanlamig ako sa kinauupuan ko.
"Tanungin mo nalang si Angelo, hija. Wala ako sa posisyon para sagutin ang tanong mo” sagot ni Manang. Napatingin sa akin si Sophia. Napayuko ako at pinaglaruan ang mga daliri ko. Natatakot ako sa pwedeng mangyari sa kanilang relasyon.
"'Yang dinadala ni M-mikaela, sino ang ama niyan? Si Angelo ba?" May takot sa boses niya, para akong maiiyak. Napaangat ako nang mukha ko, nangingilid ang luha sa gilid ng mga mata niya. Napabuntong hininga muna si Manang tapos tumango siya kay Sophia at doon na pumatak ang luha niya.
"Pasensya na hindi ko naman s-sinasadya. 'Wag kang mag-alala, wala namang namamagitan sa amin. Pasensya na po, pinatira niya lang ako sa bahay niya para sa bata" hingi ko nang paumanhin at paliwanag ko sa kanya. Nahihiya ako sa kanya.
"No. I knew what Angelo were doing. Maybe, isa ka sa mga babaeng nakama niya. Sorry for the word ha? Hindi naman ako galit, it's just that, hindi niya sinabi sa akin” sabi niya.
Mahina akong humikbi. Agad namang lumapit sa akin si Manang at hinaplos ang likod ko. Ang bait-bait niya, kaya siguro mahal siya ni Angelo.
"A-alis na muna ako." Tumayo na siya at agad na umalis. Tinawag pa siya ni Manang pero hindi na ito lumingon pa.
Natatakot ako sa pwedeng mangyari sa akin, baka hindi matanggap ni Sophia na may anak na si Angelo tapos magkahiwalay silang dalawa, tapos magagalit na naman si Angelo sa akin, pero klinaro ko naman na walang namamagitan sa amin ni Angelo, 'di ba? Sana maintindihan niya ang sitwasyon ko.
"Tahan na, wala kang kasalanan” pag-aalo ni Manang sa akin. Humikbi lang ako nang humikbi. Natatakot talaga ako. Sana hindi sila magkahiwalay na dalawa kasi kapag nangyari 'yon, feeling ko ang sama-sama ko. May napaghiwalay ako dahil sa katangahan ko.
"Manang, paano po kung maghiwalay sila nang dahil sa akin? Manang, gumawa tayo ng paraan. H-hindi p-pwede ito" umiiyak kong sambit kay Manang na nakayakap sa akin. Hinahagod niya ang likod ko gamit ang palad niya.
"Hayaan mo na si Angelo na magpapaliwanag kay Sophia."
Sana nga ay maipaliwanag niya nang maayos para maintindihan ni Sophia ang lahat.